DAGUPAN CITY- Nakakagulat umano para sa isang produkto ng Political Dynasty na i-prayoridad ang pagsasabatas ng Anti-Political Dynasty Bill.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Prof. Roland Simbulan, Chairperson ng Center for People Empowerment in Governance, aniya, kaniyang hinahanap ngayon ang magpapatunay na seryoso si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isabatas ito gayon na mula ito sa isang pamilyang matagal nang kilala sa politika.
Kaniya rin kinekwestyon ang pagsasabatas ng kongreso kung ang mayroya nito ay produkto rin ng politcal dynasty.
Ikinadismaya niya naman ang magkahiwalay na paghain nina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at House Majority Leader Sandro Marcos na Anti-Political Dynasty Bill dahil layon lamang nito na mabawasan ang miyembro ng isang ‘fat Political Dynasty’ at hindi tuluyang pigilan.
Giit niya na kung seryoso sila sa panukalang batas ay dapat ang kanilang suportahan ay ang inihain ng Makabayan Coalition at isabatas ito sapagkat ito ay talagang naghahangand ng tuluyang pagwakas sa naturang dinastiya.
Matagal na umanong naantala ang pagsasabatas ng panukalang batas na ito at pinapatay lamang ng mga mambabatas na nagmula sa Politcal Dynasty upang maprotektahan din ang mga kamag-anak na nakaupo sa ibang pwesto.
Samantala, sang-ayon din si Simbulan sa pagsasaayos ng Party-list system sa bansa at mabigyan ng pagkakataon ang mga marginalized sector na kumatawan sa kanilang ipinaglalaban.
Aniya, pinasukan na rin kase ito ng Political Dynasty upang mas madagdagan pa ang nakaupong kapamilya o kamag-anak.
Dagdag pa niya, maging ang mga kontratista ay nakakapasok na rin at isa itong ‘conflict of interest’.
Kaya ang pagretipika nito ay paghihigpit sa Commission on Elections (Comelec) sa pagpili ng mga tatakbo sa Partylist.










