DAGUPAN CITY- ‘Up-Hill battle’ kung isalarawan ng isang propesor ang pagsasabatas ng isang Anti-Political Dynasty Law.
Kahilingan ni Prof. Roland Simbulan, Chairperson ng Center for People Empowerment in Governance, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, na maging seryoso si House Speaker Bojie Dy sa pagpapatupad ng dalawang panulakalang batas mula Kamara para mawakasan na ang pag-iral ng dinastiyang pampulitika.
Aniya, simula pa noong 1987 nang subuking mapabilang ito sa batas ng Pilipinas subalit, tila pianglalaruan lamang ng kongreso at hindi naipapasa bilang isang Republic Act.
Gayunpaman, nananatiling kwestyonable ang pangunguna ni Dy sapagkat maging ito ay produkto ng Political Dynasty sa lalawigan ng Isabela.
Halos 70% din ng kongreso ay nanggaling sa Political Dynasty.
Ani Simbulan, katanungan rito ay kung handa bang kontrahin ng mga ito ang sariling interes ng kanilang pamilya.
Kung pag-uusapan naman ang prinsipyo at panunungkulan, maituturing aniya na hindi pa subok si Dy sa pagtulak ng naturang batas.
Samantala, kung sakaling maipasa ito, nakadepende sa magiging detalye ng bersyon ng naturang batas kung hanggang saan lamang maaaaring tumakbo ang isang pamilya.
Binigyan diin naman niya na mawawakasan ang mga problema ng bansa, kabilang na ang kurapsyon at maanumalyang flood control projects, kapag napagtagumpayang maisabatas ang Anti-Political Dynasty Law.










