DAGUPAN CITY- Kabilang na sa pagtutuonan ng 2026 budget ng Dagupan City ang pagsasaayos ng abandonado at hindi natapos na mga proyekto sa Malimgas Public Market.
Ayon kay Mayor Belen Fernandez, problema sa naturang pamilihan ang pabalik-balik na maruming katubigan dahil sa hindi maayos ang nagiging daloy nito palabas ng palengke.
Aniya, binalak ng kaniyang administrasyon na gawin itong pinakamalinis na pamilihan subalit noong panahon na iyon ay hindi siya pinalad na makabalik bilang alkalde ng syudad.
Giit niya na pinabayaan na lamang ito ng pumalit sa kaniya at iniwan muli ang mga problema ngayong siya na muli ang naupong alkalde.
Aniya, umabot ng higit P3.9 million ang ginamit sa proyektong ito subalit kulang-kulang at hindi ito tinapos.
Gayunpaman, may iba pang P3.9 million na gastusin para sa stainless na poste na maaaring under design pa.
At hanggang sa kasalukuyan, hindi na ito inaayos ng contractor at nagdeklara na ng ‘bankruptcy’.