Dagupan City – Pormal nang masisimulan ang proyektong pagsasaayos ng Public Market sa bayan ng Manaoag

Inisyatibo ito ni Mayor Jeremy “Ming” Rosario sa kanyang pamumuno sa bayan na mabigyan ng maganda, malinis, maayos, organisado at bagong itsura ng pamilihang bayan ng Manaoag.

Magandang balita ito sa mga negosyante at mga tindera sa palengke para sa mas komportableng lugar ng kanilang kabuhayan dahil may kalumaan na din ang kanilang mga pwesto ngayon.

--Ads--

Kamakailan ay isinagawa dito ang Groundbreaking Ceremony upang ganap nang umpisahan ang konstruksyon dito para maisakatuparan na ang matagal ng pinapangarap.

Mahahati ang kabuuan ng palengke sa tatlong phase, kung saan ang una ay ang unang building na may dalawang palapag, Pangalawa ay sa bahaging gitna para sa meat, fish at vegetable section at ang Phase 3 para sa mga ambulant vendors at parking area.

Samantala, kilala ang bayan ng Manaoag bilang sentro ng turismo dahil sa libo-libong pagdagsa ng mga turista dito galing sa iba’t-ibang panig ng mundo kaya magbubukas ang nasabing proyekto ng maunlad na sektor sa negosyo, maipagmamalaking lugar para sa turismo at modelo ng bayang may pag-asenso sa Pangasinan.