DAGUPAN CITY- Nakakaalarma na rim umano ang kamakailang napapaulat na mga karahasan sa hayop sa iba’t ibang panig ng Pilipinas kahit pa marami na ang nagpapakalap ng mga impormasyon hinggil sa pagpapahalaga sa kalagayan ng mga ito.

Gayunpaman, isa naman magandang bagay na nagpapakita ng pansin ang pagpost ng mga concerned netizens ng nasaksihan animal cruelty at nauuwi sa paghahain ng kaso

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Heidi Caguioa, Program Director ng Animal Kingdom Foundation, maging ang kanilang organisasyon ay marami nang natatanggap na reports o reklamo hinggil sa iba’t ibang karahasan na nararanasan ng mga alagang hayop.

--Ads--

Subalit, nakakalungkot lamang aniya na may ibang mga kaso na inaatras na lamang dahil sa iba’t ibang rason, tulad ng takot o naidaan sa kasunduan.

Aniya, samu’t sari rin ang nagiging rason ng mga inireklamo kabilang na ang may nakagat na kamag-anak, nadala ng matinding emosyon, o di naman ay ginawang pagkain ang isang hayop na hindi pasok sa kategorya ng “food animals”.

Kaya idiniin niya na may mahalagang ginagampanan ang pagtutuloy ng kaso upang ipanawagan ang kahalagahan ng buhay ng bawat hayop.

Sa mga nais magsampa ng kaso hinggil sa animal cruelty, maaaring dumeretso sa police station upang maimbestigahan at mahuli ang may sala.

At kung ilan araw na ang nakalipas, maaari nang dumeretso sa fiscal’s office at maghain ng reklamo. Kinakailangan lamang ng isang abogado upang maisaayos ang kanilang affidavit.

Maaari rin naman aniyang dumeretso sa kanilang tanggap at tutulong sila nang libre.

Aniya, kung maitulak ang kaso, maaaring makulong ng 2 taon ang may sala at/o pagmumultahin ng P100,000 kapag nasawi ang hayop mula sa pagmamaltrato.

Kung hindi naman nasawi subalit, matindi pa ang pinsalang natamo, maaaring makulong ang may sala ng 1 taon at 6 buwan at/o may P50,000 halaga ng multa.

Habang 6 buwan na pagkakakulong at P30,000 na multa naman kung nagawang maka-survive ng hayop mula sa pagmamaltrato.

At kung isang opisyal, sindikato, at ginawang hanap-buhay ang pananakit ng mga hayop ay pasok na ito sa ‘qualified offense’ kung saan maaaring makulong ng 3 taon at pagmultahin ng P250,000.