Pinuri ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC), ang plano ng Department of Education (DepEd) na isama sa kurikulum ang usapin hinggil sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Benjo Basas, National Chairman ng nasabing gruoi ito ay isang makabayang hakbang na mahalaga upang hubugin ang kamalayan ng kabataang Pilipino sa kasaysayan at soberanya ng bansa.
Aniya isang positibong pag-unlad ang pagsasama ng West Philippine Sea bilang aralin sa kurikulum at dapat talagang maunawaan ng mga kabataan ang halaga ng ating karapatan sa teritoryo.
Binanggit din ni Basas ang patuloy na panawagan ng kanilang hanay na muling pagtibayin ang pagtuturo ng kasaysayan, kultura, sining, at iba pang asignatura na nagpapalalim sa pagkakakilanlan bilang Pilipino.
Pagbabahagi nito, noong ipinatupad ang K-12 curriculum, tinanggal ang asignaturang Philippine History sa high school, at nito lamang kamakailan naibalik ito sa pamamagitan ng pilot implementation.
Kaya’t mahalagang magkaroon ng mas malalim na diskurso sa internasyonal na komunidad ukol sa kung ano talaga ang dapat itawag sa pinag-aagawang bahagi ng karagatan.
Bagamat kinikilala ng batas ang West Philippine Sea bilang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas, patuloy pa rin itong inaangkin ng China.
Samantala, hindi rin nakalimutan ni Basas na igiit ang kapakanan ng mga guro.
Ayon sa kanya, habang may mga inisyatibo para sa wellness break ng mga mag-aaral, dapat ay mabigyan din ng health break ang mga guro upang mapangalagaan ang kanilang kalusugan, lalo na sa panahon ng mga lumalaganap na sakit.
Dagdag pa niya, dapat ding masusing suriin ang structural integrity ng mga paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng parehong mga guro at estudyante.