DAGUPAN CITY- Hindi sapat ang pagsisi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga miyembro ng gabinete sa mga hindi masagot-sagot na isyu ng bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Raymond Palatino,Secretary General ng Bagong Alyansang Makabayan, hindi makita ng pangulo na ang pamamalakad nito ang may epekto sa umiiral na kahirapan sa Pilipinas.

Subalit, inilipat lamang nito sa ibang posisyon at ahensya ang dating mga miyembro ng gabinete at hindi ito sapat para mawakasan na ang mga nagpapahirap sa taumbayan.

--Ads--

Hindi rin kase ito magkakaroon ng makabuluhang saysay kung hindi rin magkakaroon ng pagbabago sa mga patakaran ng gobyerno.

Aniya, kumpleto ang economic team ng pangulo sa kaniyang gabinete subalit, hanggang sa ngayon ay maraming mga Pilipino ang umaaray sa kalagayan ng ekonomiya sa bansa.

Samantala, nakikita ni Palatino na ‘damage-control’ ang ginawa ng Pangulo dahil sa naging resulta ng nakaraang halalan at maaaring paghahanda pa ito para sa 2028 Elections.

Hinahamon naman nila kay Pangulong Marcos na magpakita ng tamang aksyon para sa tunay na pagbabago sa bansa upang tunay nitong maipakita ang lakas ng isang lider.

Sa dulo pa rin ng araw, magbago man ang mga miyembro ng gabinete ay sinasalamin nito ang klase ng leadership na taglay ni Marcos.