Nauwi sa hostage taking sa tatlong mga kababaihan ang sana’y isasagawang pagresponde ng kapulisan sa isang tatlumput anim na taong gulang na lalaking suspek sa bayan ng Binmaley.
Base sa salaysay ni Plt.Col Genevieve Poblete ang siyang Chief of Police ng Binmaley PNP na isa umanong ulat ang natanggap ng kanilang tanggapan dahil sa umano’y kahinahinalang lalaki sa isang gasolinahan na mabilis naman umanong narespondehan lalo na’t may mga nakapalibot ng pwersa ng kapulisan na nagsasagawa ng aktibidad sa lugar.
Aniya matapos umanong palibutan ng ilang miyembro ng kanilang hanay ang naturang lalaki ay agad na bumunot ito ng baril at pinaputukan ito sa kapulisan.
Pagkatapos nito ay tumakbo ang suspek at nagtungo sa isang subdivision.
Dito na niya umano pinasok ang isang kalapit bahay kung saan nananatili ang dalawang menor de edad at isang dise nuebe anyos na pawang mga kababaihan.
Aminado rin aniya ang kanilang grupo na nahirapan sila sa pagdakip sa suspek na nagresulta para sa higit dalawang oras ang hostage taking bago ito tuluyang madakip.
Ani Poblete na wala namang naitalang nasugatan mula sa kanilang hanay maging sa mga biktima ng hostage taking.
Sa ngayon ay kulungan ang bagsak ng naturang suspek at mahaharap sa patong-patong na mga kaso kabilang na
ang paglabag sa Dangerous Drugs Act matapos makumpiska sa kaniyang pangangalaga ang ilang plastic na may hinihinalaang shabu, paglabag sa Comelec Gun ban at attempted homicide
Una rito ay nahaharap na umano ito sa kasong carnapping mula sa Lingayen PNP.
Humingi na rin umano sila ng request sa mga magulang ng mga biktima para magsagawa ng counselling dahil sa traumang naidulot ng naturang insidente.