Dagupan City – Tiniyak ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan sa publiko na ang isinagawang pamumutol ng puningkahoy sa loob ng kapitolyo ay ginawa alinsunod sa mga patakaran at panuntunan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Batay sa ulat, may kaukulang Tree Cutting Permit No. 08072025-013 na inisyu ng DENR noong Agosto 8, 2025, matapos masunod ng Pamahalaang Panlalawigan ang lahat ng documentary requirements sa ilalim ng DENR Administrative Order No. 2022-10 na may petsang Mayo 20, 2022.
Ayon sa opisyal na imbentaryo at pagsusuri ng mga teknikal na tauhan ng CENRO-Dagupan, sa 192 punong itinakdang putulin, 154 dito ay natukoy na invasive at exotic species gaya ng Mahogany, Acacia Mangium, Gmelina, at Acacia auri—mga uri ng puno na nakakaapekto sa balanse ng ekosistema at nakasasagabal sa pag-usbong ng mga katutubong punongkahoy.
Samantala, ang natitirang 38 puno ay natukoy na may depekto o nagdudulot ng panganib sa buhay at ari-arian, batay sa ulat ng CENRO technical team.
Ipinaliwanag ng Kapitolyo na ang redevelopment plan ng kapitolyo ay maingat na inihanda ng mga propesyonal na urban planners, at isinasaalang-alang nito ang preserbasyon ng mga malulusog na katutubong puno.
Ayon sa pahayag, ilang ulit na ring binago at nirepaso ang master plan upang mabawasan ang bilang ng mga punong maaapektuhan ng proyekto.
Bilang patunay ng patuloy na pangangalaga sa kalikasan, binigyang-diin ng Pamahalaang Panlalawigan na sa pamamagitan ng Green Canopy Program, mahigit 500,000 puno na ang naitanim sa iba’t ibang bahagi ng Pangasinan.
Ang mga gawaing ito ay hindi lamang pormalidad o seremonya, kundi tuloy-tuloy na sinusubaybayan at inaalagaan sa pakikipagtulungan ng mga organisasyon, LGU, at komunidad upang matiyak ang tamang paglaki at pagpapanatili ng mga itinanim na puno.
Ang redevelopment project ng Pangasinan Provincial Capitol Complex ay layong gawing makabago at mas maayos na sentro ng pamahalaan at turismo sa lalawigan.
Kabilang sa proyekto ang pagtatayo ng 11-palapag na Government Center Tower, isang 1,500-seater Convention Center, at ang Reflecting Pool at Interactive Fountain na magiging bagong atraksyon sa Kapitolyo.