Kasabay ng pagdiriwang ng National Flag Day ngayong Mayo 28, nagpaalala ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa publiko na ang pagtrato sa watawat ay repleksyon ng pagtrato sa mismong bansa.
Sa isang panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Eufemio Agbayani III, Historical Sites Researcher ng NHCP, ipinaliwanag niya ang malalim na kasaysayan at ang mga striktong alituntunin sa paggamit ng pambansang sagisag.
Ang National Flag Day ay paggunita sa anibersaryo ng Labanan sa Alapan sa Imus, Cavite noong Mayo 1898, kung saan nakamit ng mga Pilipino ang unang malaking tagumpay laban sa mga Espanyol. Idineklara ito ni Pangulong Diosdado Macapagal noong 1965 at pinalawig naman ni Pangulong Fidel V. Ramos noong 1994 upang maging isang pagdiriwang mula Mayo 28 hanggang sa Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12.
Binigyang-diin ni Agbayani ang pagiging natatangi ng watawat ng Pilipinas, lalo na ang kakayahan nitong magpahiwatig ng panahon ng digmaan kapag ang pulang bahagi ay nasa itaas, at kapayapaan naman kung ang asul ang nasa itaas. Ibinahagi rin niya na ang disenyo nito ay may 1:2 na proporsyon at ang mga simbolo nito—gaya ng walong sinag ng araw at tatlong bituin—ay kumakatawan sa kasaysayan at heograpiya ng bansa.
Ayon kay Agbayani, hindi lamang basta tela ang watawat kundi representasyon ng Pilipinas. Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng watawat bilang damit, costume, o basahan. Hindi rin maaaring gawin ito bilang dekorasyon sa ilalim ng isang podium o table draping. At lubos na hindi pinahihintulutan na ang watawat ng bansa ay hayaang sumasayad sa lupa o madumihan.
Paalala pa ng NHCP, dapat palitan ang mga watawat kapag ang mga ito ay kupos na o may punit na. Ang mga lumang watawat ay hindi dapat itapon sa basura; sa halip, ang mga ito ay dapat iretiro sa pamamagitan ng marangal na pag-cremate o pagsunog upang hindi mapastangan. Maaaring makipag-ugnayan sa Boy Scouts of the Philippines para sa tamang ritwal ng disposal.
Hinimok ni Agbayani ang mga lokal na pamahalaan at pribadong establisyimento na laging magkaroon ng reserbang watawat upang agad na mapalitan ang mga sira. Inanyayahan din niya ang lahat na makilahok sa mga aktibidad gaya ng mga flag disposal ceremony at webinars na inorganisa ng NHCP at iba pang ahensya.
Para sa mga nagnanais matuto nang higit pa, maaaring i-download ang digital copy ng Flag and Heraldic Code of the Philippines Illustrated sa opisyal na website at social media accounts ng NHCP.










