DAGUPAN CITY- Patuloy ang pagninilay sa loob ng Simbahang Katolika sa posibilidad ng paghalal ng bagong Santo Papa, kung sakaling dumating ang panahon na magbukas ang puwesto sa panunungkulan.

Nakikita ng mga tagapaglingkod ng Simbahan na parehong malakas ang posibilidad na ang susunod na Santo Papa ay maaaring mula sa Europa o sa iba pang bahagi ng mundo.

Ibinahagi ni Father Earl Valdez, isang paring nakatalaga sa Maynila, na mahalagang tignan ang pagpili ng bagong Santo Papa bilang isang panawagan ng pananampalataya.

--Ads--

Para sa kanya at sa marami pang Katolikong Pilipino, ito ay may dalang pag-asa at panalangin na kung sino man ang mapili, magtataglay ito ng malalim na espiritwal na paninindigan, malasakit sa Simbahan, at kakayahang magbigay-inspirasyon sa buong mundo.

Isinasaalang-alang hindi lamang ang pinagmulan ng magiging Santo Papa, kundi ang kanyang gawi sa pamumuno, ang disiplina sa pamumuhay bilang lider, at ang kakayahang pangalagaan ang Simbahan sa gitna ng makabagong hamon.

Hindi pa malinaw kung kailan ganap na uusad ang proseso, ngunit inaasahang mas mapapatingkad ang usapin sa oras na humantong sa wakas ang panunungkulan ni Pope Francis, o kapag napagpasyahan na ng mga Cardinal ang bagong lider ng Simbahan.

Samantala, para kay Father Earl, na naordinahan sa panahon ni Pope Francis, ang kasalukuyang Santo Papa ay larawan ng pananampalataya, tiyaga, at pagiging malapit sa karaniwang tao.

Sa kabila ng kanyang edad, nananatiling aktibo at masigla si Pope Francis, at ito ay nagsisilbing inspirasyon sa mga pari tulad niya.

Kilala ang Santo Papa, bilang masiglang nakikihalubilo sa mga miyembro ng komunidad, at sa kanyang paraan ng pagpapadama ng malasakit at pagbubukas ng simbahan sa lahat.

Sa ganitong pamumuhay, pinapaabot niya sa mga tao ang paanyaya ng Simbahan tungo sa mas malalim na pananampalataya at ugnayan sa Diyos.