Ibinunyag ni Leonardo Montemayor, Pangulo ng Federation of Free Farmers, ang umano’y pagbabago sa sistema ng pagpili ng mga supplier ng makinaryang pang-agrikultura na nagdulot ng pangamba sa sektor ng pagsasaka.
Sa panayam, ipinaliwanag ni Montemayor na bago ipatupad ang Rice Tariffication Law at bago pa lumaki ang pondong inilaan sa PhilMech ng Department of Agriculture, mahigpit ang pamantayan sa pagpili ng mga supplier. Kabilang dito ang pagkakaroon ng matibay na track record sa industriya at maaasahang after-sales service.
Ngunit ayon sa kanya, nang maisabatas ang naturang batas at mapalawak ang pondo ng PhilMech, tila naisantabi ang mga dating rekisito.
Aniya, may mga supplier na wala umanong sapat na karanasan at hindi rin tiyak kung may kakayahang magbigay ng ekstrang piyesa at serbisyong teknikal, subalit pinapayagan pa ring maging bahagi ng procurement.
Dahil dito, napapansin umano ang madalas na pagkasira ng mga makinarya, hirap sa pakikipag-ugnayan sa mga supplier, at matagal na paghihintay ng mga magsasaka sa pagdating ng mga kailangang piyesa.
Ikinabahala rin ni Montemayor kung bakit tila hindi nabibigyang pansin ang mga supplier na may mas maayos na rekord at napatunayang serbisyo. At may mga indikasyon umano na may ilang supplier na mas pinapaboran kumpara sa iba.
Binanggit din niya ang isyu sa mga espesipikasyon ng makinarya, na aniya’y hindi dapat iniangkop lamang para sa piling supplier. Para sa kanya, dapat itong nakabatay sa tunay na pangangailangan ng mga magsasaka at hindi sa interes ng iilang kumpanya.
Bukod dito, nagdulot din umano ng kalituhan ang kakulangan ng malinaw na patakaran kung sino ang sasagot sakaling pumalya ang mga ibinigay na makinarya, hindi tumubong mga binhing ipinamigay, o hindi naging epektibong mga pataba. Hindi aniya malinaw kung pananagutan ito ng supplier o kung muling ipapasa ang gastos sa mga magsasaka.










