Nagbabala ang isang psychologist laban sa paggamit ng mga laruan na ginagaya ang mga armas, gaya ng laruang baril, kasunod ng mga naitatalang insidente ng karahasan sa loob ng mga paaralan. Ayon kay Dr. Argel B. Masanda – Psychologist, Wundt Psychological Institute may mahalagang papel ang paglalaro sa paghubog ng creativity at social skills ng mga bata, ngunit maaari ring magkaroon ng ibang epekto depende sa uri ng laruan at paraan ng paggamit nito.


Ipinaliwanag din niya na maaaring maimpluwensiyahan ng mga laruan ang paraan ng pag-unawa ng mga bata sa mga bagay na nakikita at ginagamit nila. Gayunman, kung ang interes ng isang bata ay nakatuon sa pagiging pulis o sundalo, mahalaga pa rin umanong maipaliwanag sa kanila ang tunay na gamit at kahulugan ng mga kagamitang ginagaya ng mga laruan.


Binibigyang-pansin din ang epekto ng mga online game na may mga eksenang karahasan. Ayon kay Masanda, may posibilidad na maging pamilyar o normal sa ilang bata ang ganitong mga eksena kapag palagi silang nakalantad dito, kaya mahalagang gabayan sila sa kanilang mga pinapanood at nilalaro.

--Ads--


Dahil dito, hinihikayat ang mga magulang at tagapag-alaga na maging maingat sa pagpili ng mga laruan at digital content na ginagamit ng mga bata. Mahalaga rin ang paggabay at pagpapaliwanag sa mga bata upang matulungan silang maunawaan ang pagkakaiba ng paglalaro, representasyon sa media at mga sitwasyon sa totoong buhay.