Dagupan City – Makakatulong ang pagpatong ng 30% na buwis sa mga malalaking korporasyon sa pagbabawas ng utang sa bansa.
Ayon kay Sonny Africa, Executive Director ng Ibon Foundation, kung titignan kasi aniya, mistulang tumataas nang tumataas ang utang ng bansa.
Matatandaan na lumubo pa ang utang ng Pilipinas sa panibagong record-high hanggang noong katapusan ng Hulyo, dahil sa patuloy na pangungutang ng pamahalaan para mapunan ang kinakailangang budget.
Lumalabas naman sa datos mula sa Bureau of Treasury na umakyat sa 15.689 trillion Pesos ang outstanding debt ng pamahalaan, na mas mataas ng 1.3% mula sa 15.483 trillion Pesos na utang hanggang noong katapusan ng Hunyo.
Dahil dito, isa sa nakikitang susi sa pagtapyas ng utang ng bansa ni Africa ay ang pagtataas din ng buwis sa mga malalaking kumpaniya.
Ang nangyayari kasi aniya, hinuhugot ng pamahalaan ang pagbawi ng mga ito sa mga maliliit na korporasyon o sa mga ordinaryong manggagawa sa bansa.
Dahil dito, nanindigan siyang mas maganda kung sa mga big corporations at mga dayuhang manufacturers itataas ang singil, dahil hindi rin lang naman nila mararamdaman ito kung ikukumpara sa mga micro enterprises sa bansa na siyang umiinda.