Nakatutok ngayon ang mga otoridad sa bansang Japan sa bahay ng suspek sa pagpaslang sa dati nilang Prime Minister na si Shinzo Abe habang ito ay nagsasagawa ng kanyang talumpati sa para ikampaya ang kaniyang mga kapartido sa nalalapit nilang halalan.
Ayon kay Bombo International Correspondent Hannah Galvez, ito ay matapos na aminin ng suspek na kinilalang si Tetsuya Yamagami, 41 taong gulang, na planado nito ang pagbaril sa naturang dating opisyal kung saan siya mismo ang gumawa ng ginamit nitong baril at ilan pang mga pampasabog na nasa kanyang bahay.
Aniya, nagtungo umano doon ang nasa 10 mga pulis na naka-vest para siyasatin ang kinalalagyan ng mga ginawa nitong mga pampasabog.
Sa inisyal na imbestigasyon umano ng mga pulis, maituturing na plano ang ginawa nitong pagatake kay Abe lalo na sa pag-amin nito na siya talaga ang target sa naturang asasinasyon.
Napag-alaman din na ang suspek ay dating miyembro ng kanilang Maritime Self-Defense Force.
Matatandaang binaril ng malapitan si Abe kung saan ito ay nagtamo ng dalawang tama sa bahagi ng kanyang leeg at dibdib at sa mismong insidente ay agad ding nahuli ang naturang suspek.