DAGUPAN CITY- Isinasagawa na ang pagpaplano para sa pagsasaayos ng nasunog na Old Public Market sa lungsod ng San Carlos, at tinutukoy na rin kung saan kukunin ang pondo at ang pinakamainam na hakbang upang muling maibalik ang kabuhayan ng mga naapektuhang negosyante.
Ayon kay Mayor Julier Resuello, prayoridad ng lokal na pamahalaan ang mga nagtitinda mula sa syudad na nawalan ng pwesto dahil sa sunog.
Tiniyak niyang mabibigyang-linaw ang sistema ng muling pagbabalik sa kanilang mga puwesto, ngunit ipinaalala rin niya na kailangang sumunod ang mga ito sa itinakdang palatuntunan.
Aniya, kung hindi sila susunod sa kontrata, posibleng hindi na sila muling makabalik sa bagong pamilihan.
Naipahayag din ng alkalde na itatayo ang bagong istraktura sa mas maayos at planadong paraan, upang mas mapabuti ang operasyon ng pamilihan at mas maging maginhawa ang hanapbuhay ng mga negosyante
Naipamahagi na rin ng lokal na pamahalaan ang agarang tulong sa mga biktima, kabilang na ang suporta mula sa iba’t ibang opisyal at ahensya.
Samantala, patuloy ang pagtutok ng pamahalaang lokal sa lahat ng aspeto ng kanilang syudad, mula sa mga kailangang baguhin hanggang sa mga programang dapat ipagpatuloy para sa kapakanan ng mga mamamayan.