Dagupan City – Nagtipon ang Task Force Disiplina (TFD) ng bayan ng Bayambang, mga operator ng pampublikong transportasyon, at mga lokal na opisyal sa isang pagpupulong kamakailan, upang muling pag-aralan at isaayos ang mga ruta ng trapiko sa nasabing bayan.

Layunin ng talakayan na tukuyin ang mga hakbang upang mapagaan ang matinding pagsisikip ng trapiko sa mga pangunahing lansangan, partikular sa paligid ng palengke at mga paaralan.

Kabilang sa mga dumalo ang mga operator ng bus, jeepney drivers, at mga lider ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA).

--Ads--

Binigyang-diin dito ang kahalagahan ng balanseng pagpapatupad ng disiplina sa kalsada at pagtugon sa pangangailangan ng mga commuter, na anila ay maisasakatuparan sa pamamagitan ng pagtutulungan.

Ipinresenta rin ng kinatawan ng PNP-Bayambang ang kanilang panukala para sa mas epektibong implementasyon ng bagong traffic rerouting scheme.

Isinunod sa pulong ang isang open forum upang marinig ang saloobin at mungkahi ng mga dumalo.

Pinaalalahanan ni TFD Deputy Officer Amory Junio ang lahat na ang tagumpay ng proyekto ay nakasalalay sa pagiging disiplinado ng bawat isa.

Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng TFD at ng mamamayan, layong maging huwaran ang Bayambang sa pagkakaroon ng maayos na sistema ng trapiko.