Dagupan City – Inasahan na ang pagpapawalang sala ni dating Senate President at kasalukuyang Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, constitutional law expert, ang kasong isinampa kasi sa kaniya na graft na may kaugnayan sa kontrobersyal na pork barrel scam ay tila mahina at kulang sa ebidensya para maiugnay ang kaniyang pangalan.

Matatandaan na batay sa resolusyong inilabas ng Sandiganbayan kinumpirma ang pag-absuwelto ng korte kay Enrile at sa kanyang dating chief of staff na si Gigi Reyes.

--Ads--

Ayon kay Atty. Cera, ang pag-file ng motion to acquit ni Enrile ay inasahan ng makakamit.

Ang acquittal kasi aniya ay malinaw na nagpapakita ng kahinaan ng ebidensya sa kaso laban kay Enrile, kaya hindi na rin inaasahan ang anumang hatol o pagkakakulong sa kanya.

Matatandaang noong 2015, pinayagan si Enrile ng Korte Suprema na makapagpiyansa sa kadahilanang pang-humanitarian, isang desisyong isinulat ni dating Chief Justice Lucas Bersamin — na noon ay umani rin ng matinding batikos mula sa publiko.

Dagdag pa ni Cera, hindi na rin siya umaasang makukumbikta pa si Enrile, lalo na sa naging karanasan ng ibang mga dating opisyal tulad ni dating Pangulong Joseph Estrada, na kalauna’y nakalaya rin matapos mahatulan sa kasong plunder.

Gayunpaman, binigyang-diin ni Cera na dapat hindi hayaang makaligtas ang mga tiwaling opisyal, sapagkat dapat silang mapanagot sa pangungurakot sa kaban ng bayan.

Samantala, tuluyan namang nahatulan ng Sandiganbayan si Janet Lim-Napoles, na tinaguriang “pork barrel scam queen,” dahil sa maling paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) — na siyang sentro ng kontrobersyal na isyu ng korapsyon na kinasangkutan din ni Enrile.