DAGUPAN CITY- Ikinatutuwa ng nakararaming mga residente at mga Pilipino sa Israel at Lebanon ang pagsulong ng ceasefire o tigil-putukan sa pagitan ng Israel Defense Forces (IDF) at Hezbollah.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Shay Kabayan, Bombo International News Correspondent sa bansang Israel, dahil na rin sa kahilingan ng Estados Unidos at France kaya naisakatuparan ang inaasam na tigil-putukan.

Gayunpaman, patuloy pa rin nagmomonitor at naghahanda ang Israel dahil wala itong tiwala na tuluyan din tatahimik ang Hezbollah sa nakasunduang tigil-putukan.

--Ads--

Umaasa naman at naniniwala si Kabayan na magpapatuloy ito at magdadala ng kapayapaan sa mga sibilyan sapagkat, hindi maitatangging nakakaperwisyo ang gyera sa kanilang buhay.

Kaya malaking bagay ang naging naturang kasunduan upang unti-unting bumalik sa dati ang kanilang pamumuhay na kung saan wala nang pangamba para sa kanila.

Samantala, hanggang sa ngayon ay wala pang balita sa tigil-putukan sa pagitan ng Israel at Hamas sa Gaza.

Sa kabilang dako, may nakatakda nang magparepatriate na mga Pilipino partikular na sa Disyembre 5, ngayon taon.

Aniya, patuloy pa rin bukas ang himpilan ng Philippine Embassy sa Israel upang tumanggap ng mga gusto nang makauwi ng Pilipinas.