DAGUPAN CITY- Hindi tinututulan at suportado ng Alliance of United Transport Organization Provincewide (AUTOPRO) ang pagpapatupad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DoTr) ng Anti Sardinas Policy.
Ang nasabing polisiya ay ang pagbawal sa mga public transportation vehicles na ipagsiksikan ang mga pasahero.
Ayon kay Bernard Tuliao, Presidente ng nasabing grupo, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, taon 2021 nang maglabas ng circular memorandum order hinggil sa limitasyon na pagsakay ng mga pasahero sa Public Utility Jeepneys (PUJ).
Aniya, ito ay alinsunod na rin sa pagbibigay ng kaligtasan at maayos na serbisyo sa mga mananakay.
Kailangan aniyang mabigyan pansin ang pagsiksikan ng mga mananakay sa tuwing rush hour kung saan ang ilan sa mga ito ay sumasabit na lamang sa jeep.
Gayunpaman, hindi tiyak ni Tuliao kung mababantayan ito ng mga otoridad sa oras na 5PM-7PM dahil hindi na ito pasok sa oras ng pagpasok ng mga enforcers.