DAGUPAN CITY- Tila “Hopeless” na umano ang mga tao na matatagpuan pang buhay ang mga na-trap mula sa pagguho ng gusali sa Thailand dulot ng 7.7 Magnitude Earthquake nitong biyernes lamang.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Lyza Gumatay, Bombo International News Correspondent sa nasabing bansa, umabot na sa hindi bababa sa 11 ang nasawi at 26 naman ang sugatan, habang hindi naman bababa sa 100 ang patuloy pinaghahanap.
At hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang isinasagawang search and rescue operation.
Aniya, umabot naman ang pagyanig sa North East Thailand kung saan napinsala rin ang karamihan sa mga establishimento.
Ayon sa report ng Metropolitan Administration sa Bangkok, umaabot ng higit 700 na mga kaso ng structural damage sa kapital.
Sinabi ni Gumatay na marami ang nabigla sa lakas ng lindol dahil hindi sanay ang naturang bansa sa lindol. Ito ay dahil hindi rin nila ito madalas maranasan.
At sa ngayon, umabot na 77 ang aftershocks ang kanilang naramdaman matapos ang malakas na pagyanig.
Aniya, sa loob ng 15 taon niyang pamamalagi sa Thailand ay hindi siya nakaranas ng paglindol.
Samantala, sa kasalukuyan ay sarado pa ang ilang mga railway transit dahil sa pinsalang naitala subalit, may ilan naman na train station ang operational na.
Pagdating naman sa mga paaralan, inaabangan pa rin ang mga anunsyo mula sa mga paaralan kung kailan magpapatuloy ang pagpasok ng mga mag-aaral.
Habang ang mga inilikas naman ay pinapayagan nang balikan ang kanilang tahanan basta lamang ay tiyak ang kanilang kaligtasan.