BOMBO RADYO DAGUPAN — Bagamat nakakakuha sila ng tulong sa porma ng fuel subsidy, isa namang problema na may ilang mga drayber ang hindi nakakatamasa nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Marlyn Dela Cruz, Presidente ng grupong Busina, sinabi nito na karamihan sa mga hindi pa nakakakuha ng fuel subsidy ay ang mga drayber na nakaranas ng problema pagdating sa mga requirement para sa programa.

Gayunpaman, sinabi nito na ang mga nakasunod sa modernization program ay makakakuha ng fuel subsidy na isa naman aniyang malaking tulong sa sektor ng transportasyon kahit papano.

--Ads--

Subalit, mayroon pa rin aniyang mga drayber ang labis na naghihirap na maisumite ang kinakailangang mga dokumento upang mapabilanmg sa programa, kaya naman hinihiling nila na isa ito sa matatalakay ni Pang. Ferdinand Marcos, Jr. sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) sa darating na Hulyo 22.

Samantala, sa kabila naman ng magkakasunod na linggong pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo, wala pa naman aniyang nakikita ang kanilang grupo na pangangailangan sa pagtaas din ng pamasahe.

Bagkus, sinabi ni Dela Cruz na nakabatay din sila sa magiging desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa kung ano ang magiging maganda at karapat-dapat na pagtaas sa pamasahe.

Saad nito na sa ngayon ay wala pa naman silang hinihiling na dagdag pamasahe, ngunit kung darating sa punto na wala silang ibang magagawa ay dito lamang nila ito hihilingin lalo na kung hindi pa rin bababa ang presyo ng produktong petrolyo.

Kaugnay nito, hinihiling naman nilang tutukan at talakayin ng Punong Ehekutibo sa kanyang susunod na SONA ang pagpapatuloy ng modernization program.