DAGUPAN CITY- Ipinagbabala na ng Public Order and Safety Office (POSO) Dagupan na maaaring magdulot ng pagsikip ng trapiko sa rutang patungong Barangay Bonuan dahil sa nagpapatuloy na konstruksyon ng Elevation Road sa kahabaan ng Arellano-Bani.

Dahil dito, dagsa na ang mabigat na daloy ng mga sasakyan sa lugar, at sa kasalukuyan ay ramdam na ng mga motorista ang epekto ng proyekto.

Ayon sa ulat, hindi na naiwasan ang bumper-to-bumper na trapiko lalo na tuwing oras ng uwian.

Sa panig ng POSO-Dagupan City, aminado si Deputy Chief Rexon De Vera na dagsa ang natatanggap nilang mga reklamo mula sa mga tsuper at residente.

Dagdag pa niya, umaabot na sa ilang kilometro ang bagal ng usad ng trapiko sa kalye, lalo na’t limitado rin ang alternatibong ruta.

--Ads--

Inaasahan na mas giginhawa ang biyahe sa mga darating na buwan kapag tuluyang natapos ang proyekto.

Samantala, umaapela ang POSO sa publiko ng kaunting pang-unawa at disiplina sa kalsada habang inaayos ang pangunahing lansangan.