DAGUPAN CITY- Opisyal nang nagsimula ang pagpapatayo ng baratilyo sa lungsod ng Dagupan, na naglalayong magbigay ng oportunidad sa mga negosyante na makapagbenta ngayong kapistahan at Pasko.

Kasabay nito, nagpaalala ang Task Force Anti-littering sa lahat ng mga vendor na mahigpit na sundin ang mga panuntunan sa pagbebenta upang mapanatili ang kalinisan at kaayusan sa lugar.

Ayon kay Jaime “Jong” Serna Jr., Head ng Task Force Anti-littering Dagupan City, ang baratilyo ay magtatagal hanggang ika-15 ng Enero at nakapwesto sa Galvan St., Jovellanos St., at Zamora St.

--Ads--

Ipinagbawal ang paglalagay ng baratilyo sa harapan ng ginagawang munisipyo at sa harapan ng plaza upang maging maluwang ang kalsada para sa mga dumadaang sasakyan.

Dagdag pa ni Serna, 24/7 na nakaduty ang kanilang grupo upang tugunan ang anumang insidente gaya ng pagnanakaw, na madalas nilang naitala noong nakaraang taon.

Binibigyan din nila ng prayoridad ang maayos na daanan ng mga tao sa sidewalk at pagbibigay ng pansamantalang pwesto sa mga ambulant vendor tuwing hapon.

Ipinaliwanag din ni Serna ang mga dapat sundin ng mga negosyanteng nagrerenta ng pwesto sa baratilyo, gaya ng pagbabawal sa paglalagay o pag-extend ng kanilang paninda sa daanan ng mga tao at dapat panatilihin ang kalinisan sa kanilang mga pwesto.

Samantala, hindi pa matukoy kung ilan ang kabuuang bilang ng mga pwesto ngayon, ngunit tiniyak ni Serna na ipapatupad nila ang itinakdang hangganan para sa baratilyo upang maging maayos ang pamimili ng mga tao sa lungsod ng Dagupan.