DAGUPAN CITY- ‘Expected’ na umano ang pagpapalit ng liderato sa House of Representatives matapos ito mangyari sa senado dahil sa pagkakadawit nina Sen. Francis “Chiz” Escudero at Martin Romualdez sa maanumalyang flood control project.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Prof. Roland Simbulan, Chairperson ng Center for People Empowerment in Governance, kinakailangan ng damage control upang mapanatili ang kredibilidad, lalo na sa kani-kanilang imbestigasyon sa mga isyu ng bansa.
Aniya, magbibigay ito ng imaheng panibagong simula sa kamara sapagkat karamihan sa mga kongresista ay kabilang sa mga binulgar ni Pacifico Discaya sa senado.
Kung mananatili naman si Romualdez ay maaaring maapektuhan nito ang pagkapresidente ni Ferdinand Marcos Jr. dahil sila ay kilalang mag-pinsan.
Gayunpaman, kaalyado pa rin ni Pangulong Marcos si bagong House Speaker Faustino Dy III dahil ang kanilang pamilya ay malapit din sa mga Marcos.
Matatawag naman ni Simbulan na naging ‘smooth’ ang pagpapalit dahil binasbasan ni Romualdez ang pag-upo ni Dy.
Subalit, ito ay nananatiling kaduda-duda dahil ang piniling kapalit ay tila walang pagbabago sa magiging direksyon at patakaran ng Kamara pagdating sa paghahawak ng National Expenditure Program (NEP).
Sa kabilang dako, giit ni Simbulan na dapat mas mapalalim pa ang imbestigasyon sa ghost projects at umabot ito sa Administrasyong Duterte.
Ito ay upang mas maging komprehensibo pa ang pagsisiyasat at maungkat ang lahat ng dapat managot.
Hindi naman kase ito issue ng pampulitikal na kulay kundi ang pagkakaroon ng ‘accountability’.
Sa pamamagitan nito ay maipapakita na nagiging ‘functional’ ang mga konstitusyon ng gobyerno sa bansa at hindi nagpapalusot ng mga kaso.
Binigyan halaga naman ni Simbulan ang isasagawang kilos protesta sa September 21 upang ipakita ang pagkasawa ng mga Pilipino sa lumalalang kurapsyon ng mga nagsasabwatang opisyal.