BOMBO DAGUPAN – “Dapat hindi lang isang taon, dapat ay sustained.”
Ito ang binigyang diin ni Cathy Estavillo Spokesperson, Bantay Bigas kaugnay sa puntirya ng Department of Agriculture na palawigin ang trial period ng P29 Rice Program ng isang taon.
Aniya na matagal ng nanawagan ang mamamayang Pilipino ng mababang presyo ng bigas subalit simula noong maupo sa pwesto si Pangulong Marcos Jr. ay mas lalong tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Pagbabahagi niya na ito ay bagamat walang malinaw na programa ukol sa pagpapalakas ng lokal na produksiyon sa bansa upang sana ay may tuloy-tuloy na programa ng mababang presyo ng bigas.
Dapat aniya ay iprayoridad ang sektor ng agrikultura, ihinto ang land use conversion at palawakin ang natatamnan ng mga pagkain upang makasunod din sa lumalaking populasyon ng bansa.
Idagdag na rin ang pagpapatupad ng executive order no.62 o ang pagbaba ng taripa ng imported na bigas na siya namang magiging dahilan aniya ng pambabarat sa presyo ng mga palay.
Kaugnay nito ay patunay lamang aniya ang mga datos na inilalabas mismo ng ahensiya ng gobyerno na nasa higit 51 milyong mga Pilipino ang nagsasabing sila ay nagugutom kagyat na dapat ay resolbahin o tugunan.
Samantala, sa darating na State of the Nation Address ni Pangulong Marcos Jr. ay hihimukin nila aniya ang mga mamimili at magsasaka na ipanawagan ang pagresolba sa tuloy-tuloy na pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin.