DAGUPAN CITY — Kinikilala ng Australia ang potensyal na banta o ang namumurong tensyon sa West Philippine Sea at sa Strait of Taiwan.
Ito ang ibinahagi ni Bombo Inernational News Correspondent Denmark Suede mula sa bansang Australia ang dahilan ng pagbabalangkas ng Australia ng mga plano nito sa pagpapalakas ng kanilang pwersa militar para sa pakikipagtulungan sa mga kaalyadong bansa upang mabawasan ang tumataas na tensyon sa pagitan ng China at United States sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan.
Aniya na ang Australia ay may kasunduan sa Grand Britanya at Estados Unidos kung saan ay nakasaad na gagastos ang Australia ng humigit kumulang $368 billion o katumbas ng P13-trillion para bumili ng 8 nuclear-powered submarine mula sa US.
Kung ito naman ay matutuloy ani Suede ay magiging ika-7 bansa ang Australia sa buong mundo na magkakaroon ng nuclear-powered submarine, dahil sa kasalukuyan ay mayroong 6 na electric-missile submarine ang naturang bansa subalit limitado lamang ang range nito.
Saad pa ni Suede na ang darating na naturang submarine mula sa Estados Unidos ay magbibigay ng kapabilidad sa Australia sa projection ng kapangyarihan kung saan ay maigting nilang mababantayan ang bawat galaw ng China sa West Philippine Sea at sa Taiwan Strait katulong ang Grand Britanya at Estados Unidos.
Kaugnay nito ay inihayag naman ni Suede na ang pagbili ng Australia ng nuclear-powered missiles ay kanilang internal affairs, kaya walang anumang karapatan ang China upang diktahan ang Australia sa mga hakbangin nito.