DAGUPAN CITY- Sa bawat taon ay lalo ang pagtindi ng ginagawang kilos ng China sa karagatan ng Pilipinas o ang West Philippine Sea.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Ronnel Arambulo, Vice President ng PAMALAKAYA, patuloy ang tahasang pambabastos ng China sa teritoryo ng Pilipinas kahit pa man hindi tinanggap ng Arbitral Ruling ang kanilang 9-dash line.
Aniya, lalong nag-udyok sa China sa kanilang agresibong kilos nang makita ang presensya ng Estados Unidos.
Balewala na rin sa China ang ginagawang pagtugon ng Philippine Coast Guard (PCG), lalo na sa pag-challenge sa namataang Monster Ship ng China.
Saad ni Arambulo, maaaring hindi pagtatanggol sa bansa ang nakikita ng China sa PCG kundi paglilipat sa bagong interes ng Estados Unidos. At maaaring tinanggap ito ng China bilang pang-iinsulto.
Kaya sang-ayon siya sa paghahain ng gobyerno ng Pilipinas ng political protest laban sa ipinapakita ng China upang makaiwas sa anumang giyera.
At para mas matiyak pa ang mapayapang kaayusan, dapat umaklas na rin ang Pilipinas sa Estados Unidos para hindi magmukhang sunud-sunuran lamang ang Administrasyong Marcos sa ibang bansa.
Giit niya, tila nagpalit lamang kase ng ‘amo’ ang bansa nang magbago rin administrasyon dahil naging tuta ng China ang Pilipinas noong Administrasyong Duterte.
Kaya hanggang sa ngayon ay hindi pa rin masulit ng Pilipinas ang likas na yaman na nakapaloob sa sakop nitong teritoryo.