DAGUPAN CITY- Mataas ang tsansa na maglabas ng katubigan ang San Roque Dam dahil sa pagtaas ng lebel ng tubig nito dulot ng nararanasang tuloy-tuloy na pag-ulan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Tom Valdez, Vice President ng Corporate Social Responsibility sa San Roque Power Corp., batay kagabi, July 29, umabot na sa 274.5 metres above sea level na ang lebel ng tubig at patuloy pa itong tumataas.
Batay sa forecast, marami ang ilalabas nitong tubig dahil sinasalo nito ang pagragasa ng tubig mula sa Ambuclao at Binga Dam at inaasahan ito mamayang alas-4 ng hapon.
Patuloy naman aniya ang monitoring ng National Power Corporation (NPC) sa pagpasok ng tubig at lebel ng tubig-ulan upang kanilang matukoy kung kailan magbubukas ng gate ang San Roque Dam.
Gayunpaman, kaniyang nilinaw na hindi naman dapat gaano maalarma ang publiko dahil batay sa protocol, kalakahating metro muna ng isang gate ang binubuksan at paunti-unti ito.
Subalit, kailangan pa rin aniya itong paghandaan dahil dumadaan ang tubig ng Agno River na mangggagaling sa nasabing dam sa gitna ng bayan ng San Manuel at San Nicolas, gitna ng Sta. Maria at Tayug, gitna ng Rosales at Villasis, Sto. Thomas, Alcala, Bautista, Bayambang, at pababa sa gitna ng Managatarem at Urbiztondo, Aguilar, Bugallon, at Limahong Channel.
Samantala, patuloy ang pagpapakalap ng advisory mula NPC upang maabisuhan ang mga dadaanang bayan.