DAGUPAN CITY- Inaabisuhan na ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang mga malapit sa Agno River dahil sa pagpapakawala ng San Roque Dam ng katubigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Vincent Chiu, Operations Supervisor ng naturang tanggapan, bagaman nagpakawala na ito kahapon ngunit nananatiling nasa maayos pa ang kalagayan ng mga malapit sa kailugan.

Gayunpaman, patuloy ang kanilang pagpapaalala sa mga malapit sa Agno River sa posibleng pagtaas nito kaya’t mas mabuting lumikas na.

--Ads--

Kaugnay nito, nakapagtala na rin aniya sila ng mga pre-emptive evacuation sa ilang bayan sa lalawigan, kabilang na ang syudad ng Dagupan, bayan ng Anda, Bolinao, at Sual.

Inaasahan pa nila ang paglikas sa iba pang lugar kaya patuloy ang kanilang pag-abisong paglikas partikular na sa mga bahaging maaaring labis maapektuhan ng bagyong Kristine.

Saad din ni Chiu, sapagkat nasa Signal no.3 na ang Pangasinan ay nananatiling nakataas ang lalawigan sa Red Alert Status.

Buong nakahanda anng kanilang rescue team sa anumang emerhensiya at kung sakaling kukulangin ang pagresponde, nakaantabay rin aniya ang karagdagang pwersa mula sa PNP, army, at Coast Guard.

Samantala, inaasahan naman na makakaranas ng malakas na pag-ulan ngayon araw sa lalawigan ng Pangasinan.