BOMBO DAGUPAN- Matinding ipinagbabawal ang pagpapakalat ng mga maselan na litrato sa internet lalo na kung isang menor de edad ang sangkot dahil ito ay maituturing na isang uri ng child abuse.

Ayon kay Atty.Joey Tamayo, Resource Person Dura lex Sed lex sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan ay may umiiral na batas ukol dito ang R.A. 9995 o tinatawag na Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009.

Aniya na kapag isiniwalat ang mga maseselan na litrato ng isang tao, may consent man o wala sa pagkuha ng nasabing video ay maaaring makulong ang taong nagpakalat. Kapag naman menor de edad ang sangkot ay maituturing ito na child abuse dahil ipinagbabawal ang pakikialam seksuwal sa mga bata lalo na kung pinilit lamang ng miyembro ng kaniyang pamilya na kuhanan ng litrato o video na maselan.

--Ads--

Kaugnay nito ay mainam na dumiretso sa pinakamalapit na opisina ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang ang biktima ay mailayo sa mapagmalabis o mapang-abusong kapamilya.

Dito ay mapag-uusapan o idudulog ang kaso sa women’s desk na itinatag sa ilalim ng National Police Law kung saan mag-iimbestiga ng gender-based violence ang kapulisan at kapag nakakita ng anumang elemento ng krimen ay maaring kasuhan ng child abuse gayundin ang paglabag sa R.A. 9995.

Umaabot nga sa sampung taon na pagkakakulong para sa kasong child abuse at para naman sa nagpakalat ng litrato o video ay maaaring makulong ng 3 hanggang 7 taon at magbabayad ng kaukulang danyos na P100,000 – P500,000.

Samantala, pinapaalalahanan naman ni Atty. Tamayo lalong lalo na ang mga kabataan na huwag basta-basta magpakita o magsend ng mga maseselan na litrato online dahil sa panahon ngayon sa social media ay madali na itong maipakalat.

Kaya’t ugaliing mag-ingat sa pakikipag-usap o pakikipag-video lalong lalo na online at kung sakali mang masangkot sa ganitong pangyayari ay dumulog agad sa DSWD dahil sila ay maninindigan kasama ng biktima.