DAGUPAN CITY- Patuloy ang pagsasagawa ng declogging ng mga drainage sa Pamilihang Bayan sa syudad ng San Carlos lalo na ngayong tag-ulan.


Ayon kay Joseph Fernandez, Market Supervisor, ito ay bahagi ng maagang paghahanda upang maiwasan ang pagbaha tuwing malalakas ang ulan.

Aniya na nakikipag-ugnayan sila sa engineering office upang matiyak na malinis ang mga kanal sa paligid ng palengke.

--Ads--

Pinapalitan rin ang mga sirang takip ng drainage, habang inaalis ang mga plastik at iba pang basurang nagbabara.

Bukod sa pagbaha, tinututukan din ngayon ang kampanya kontra dengue kung saan kinokolekta ang mga boteng nakatambak sa daan at iniinspeksyon ang mga lumang gulong at iba pang bagay na maaaring pamugaran ng lamok.

Pinayuhan ang mga tindahan na regular na palitan ang tubig sa mga timba upang maiwasan ang pamumuo ng lamok.

Ipinatupad rin ang mahigpit na waste segregation kung saan isinagawa ang koleksyon ng basura tatlong beses sa isang araw, umaga, hapon, at gabi.