DAGUPAN CITY- Pinagtitibay ng kapulisan sa bayan ng Calasiao ang hangarin nitong hangga’t maaari ay tuluyang mapababa, kung hindi man tuluyang mawala, ang kriminalidad upang mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa buong taong 2026.

Ayon kay Plt. Col. Ferdinand Lopez, hepe ng Calasiao PNP, nananatiling generally peaceful ang bayan kaya kumpiyansa ang kapulisan na wala silang lapses sa pagpapatupad ng peace and order program, subalit patuloy pa rin ang kanilang pagiging alerto at handa sa anumang posibleng banta sa seguridad ng publiko.

Kabilang sa mga hakbang na patuloy na isinasagawa ang constant checkpoints sa mga pangunahing lansangan, Oplan Sita laban sa mga kahina-hinalang indibidwal, regular na patrolya sa mga barangay, at masinsinang pagbabantay sa mga lugar na madalas pinagtitipunan ng tao.

--Ads--

Aktibo ring gumaganap ang Women and Children Protection Desk sa pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa proteksiyon ng kababaihan at kabataan, lalo na sa usapin ng pang-aabuso at iba pang krimeng may kaugnayan sa kanila.

Malaki rin ang naitutulong ng pakikiisa ng mga residente ng Calasiao sa mga kampanya ng pulisya, kung saan nagiging mas epektibo ang pagbabantay at pagresponde sa mga isyu ng peace and order sa komunidad.

Tiniyak ng Calasiao PNP na tuloy-tuloy ang information drive at crime prevention campaign sa buong bayan at nananatiling naka-align ang lahat ng kanilang programa at operasyon sa direktiba at adbokasiya ng pambansang Philippine National Police para sa isang ligtas at mapayapang komunidad.