DAGUPAN CITY- Hinimok ng alkalde ng syudad ng Dagupan sa Sangguniang Panglungsod na pag-aralan ang pagpapahinto sa operasyon ng mga pisonet sa bawat baranggay ng lungsod upang maiwasan ang pang-aabuso ng mga kabataan sa kapwa nito kabataan.
Ang pahayag ni Mayor Belen Fernandez ay mula sa kaniyang naging obserbasyon sa Barangay Pantal nang kaniyang bisitahin ito at laman umano ng mga pisonet ay mga kabataan.
Bukod pa riyan, ibinahagi rin ng alkalde ang dating naging kaso sa parehong barangay na inabuso ng isang 10 taon gulang na lalaki ang isang 9 taon gulang na babae sa loob din ng isang pisonet.
Ayon kay Fernandez, plano niyang kausapin ang direktor ng Philippine National Police (PNP) na pansamantalang ipahinto ang mga pisonet sa lungsod habang hinihintay ang pag-aaral ng mga miyembro ng Sangguniang Panglungsod at makabuo ng isang resolusyon.
Naniniwala ang alkalde na magiging daan ito upang malabanan ang pambibiktima ng pang-aabuso sa mga kabataan.
Kaniya rin ipinaalala ang adbokasiya ng Secure and Abuse-Free Environment (SAFEnet) upang tiyakin ang ligtas na komunidad.
Hinggil dito, umabot na umano sa halos 12,000 katao ang nakilahok sa mga trainings at orientations para sa magbigay kamalayan kaugnay sa mga pang-aabuso.
Sa ilalim nito, ipinaalam ang nararanasang naturang kaso at ang interbensyon na isasagawa ng mga awtoridad -kabilang na ang rescue operations para sa mga biktima.-
Itinuro rin sa mga lumahok kung paano malalabanan at maiiwasan ang naturang pang-aabuso.










