DAGUPAN CITY — Para idiin na nakamit natin ang kasarinlan matapos ang mahigit 300 taon na pananakop ng mga Español.
Ito ang naging pahayag ni Prof. Michael Charleston “Xiao” Chua, isang Historian, sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa nalalapit na selebrasyon ng Araw ng Kalayaan.
Pagbabahagi nito na noong nananalo na ang bansa laban sa mga mananakop na Kastila ay idineklara ni Gen. Emilio Aguinaldo ang kalayaan ng bansa noong June 12, 1898.
Aniya na ito ang tagumpay ng rebolusyon ng bansa laban sa mga mananakop.
Paliwanag pa nito na isinauli lamang at kinilala ng Amerika ang kasarinlan ng Pilipinas noong July 4, 1946 na nakuha nila mula sa bansa noong 1898.
Ibinahagi naman nito na gaya ng mga Amerikano ay lumaban at kumilos din ang bansa laban sa mga manlulupig.
Ngunit naiiba naman ang Pilipinas dahil ito ang unang bansa sa Asya na nakakamit ng gobyernong Republika na konstitusyunal at demokratiko.
Ito ay sa pamamagitan naman ng itinatag ang Philippine Republic sa Malolos matapos ang Philippine Revolution na nagsilbi namang inspirasyon ng mga bayaning Pilipino at iba pang mga bayaning banyaga.
Saad naman nito na kung ikukumpara noong mga kapanahunan ng pananankop at okupasyon sa Pilipinas ay pinapaslang ang mga matatalinong indibidwal, ngayon naman ay may sariling kakayahan na itakda ng bawat isa ang kani-kanilang buhay.
May kakayahan din aniya ang bawat isa na magpakatalino o mag-aral nang hanggang sa kagustuhan ng ating sarili at paunlarin ang ating mga sarili ng walang sinumang pumipigil.
Kaugnay nito ay naniniwala naman ito na bagamat may mga nagpapahalaga sa kasaysayan at kasarinlan ng bansa ay kinakailangan na mas mapalawig pa ang bilang ng mga ito at hindi lamang dapat ito magtapos sa paggunita sa Araw ng Kalayaan ngunit sa paggawa ng mabuti sa kapwa.