DAGUPAN CITY- Hinihikayat ng Federation of Free Farmers na pagtibayin pa ng mga kinauukulang ahensya ang karapatan ng mga manggagawa sa loob ng kanilang pinagta-trabahuan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Sony Matula, Presidente ng nasabing grupo, kabilang sa kanilang panawagan ay ang masusing imbestigasyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa anumang insidente sa loob ng trabaho.
Ito ay matapos mapaulat ang pagkasawi ng 2 manggagawa habang sugatan ang isa sa pagsabog ng isang gun factory sa Marikina.
Aniya, responsibilidad ng naturang ahesnya na dinggin ang panig ng bawat isa hinggil sa pangyayari at bigyan ito ng pantay na desisyon.
Sa ilalim ng Republic Act no. 11058, may karapatan ang mga manggagawa na alamin ang maaaring banta sa kanilang buhay sa loob ng pinagtatrabahuan at mabigyan sila ng proteksyon.
Maliban pa riyan, suportado nila ang mga mambabatas na nagsusulong ng pagwakas sa kontraktwalisasyon at ang abusadong sistema nito.
Naniniwala si Matula na sa 20th Congress ay mapagtatagumpayan ito at makakakuha pa ng karagdagang suporta mula sa mga aktibong trade unions.
Higit sa lahat, nakikita ng kanilang grupo na mahalagang mahikayat si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagpapatupad ng panukalang batas na P200 wage increase.
Aniya, nararapat lamang na gawin itong “national wage increase” dahil sa umiiral na wage gap sa pagitan ng Metro Manila at mga probinsya.