Nilinaw ni Senator Joseph Victor “JV” Ejercito na wala pang pormal na talakayan ang mga miyembro ng Senado hinggil sa posibleng pagpapababa sa voting threshold na kailangan para sa conviction o acquittal ni Vice President Sara Duterte sa nagpapatuloy nitong impeachment trial.
Lumalabas ang pahayag ni Ejercito kasunod ng naunang sinabi ni Senator Juan Miguel “Migz” Zubiri na may ilang senador ang nagpapahiwatig ng suporta na ibaba mula sa 16 na boto ang kinakailangang bilang upang mahatulan ang Bise Presidente.
Ayon kay Ejercito, bagama’t hindi pa ito opisyal na nadidiskutot ng kapulungan, malaki ang posibilidad na maihain at matalakay din ang naturang usapin sa plenaryo o sa mismong Senate Impeachment Court sa mga susunod na araw.
Inamin din ng mambabatas na sa kasalukuyan ay hindi pa nakakapaglabas ng kani-kanilang opisyal na stand ang karamihan sa mga senador, lalo’t nakatuon ang pansin ng Mataas na Kapulungan sa pagsusuri at pagtalakay sa pambansang badyet para sa susunod na taon.
Paliwanag pa ni Ejercito, na siya ring pinuno ng Senate Finance Committee, ang tanging nababago pa lamang sa ngayon ay ang iskedyul ng mga pagdinig sa impeachment lalo na pagpasok ng buwan ng Oktubre kung saan nakatakdang mag-overtime ang kaniyang komite para sa pambansang pondo.
Nang tanungin naman ukol sa legalidad ng isyu, inihayag ng senador na mas makabubuting ang Korte Suprema ang magdesisyon ukol dito dahil saklaw ito ng kanilang expertise, ngunit kung direktang dadalhin ang usapin sa Impeachment Court ay wala silang opsyon bilang mga senator-judges kundi ang pagdesisyunan at botohan ito.










