DAGUPAN CITY — Labis na nagdadalamhati ang hanay ng Migrante International sa pagpanaw ni Jose Maria Canlas “Joma” Sison, Maoist leader at founder at ex-chairperson ng Communist Party of the Philippines.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Man Hernando, Vice Chairperson ng Migrante International, sinabi nito na lubos nilang ikinalulungkot ang pagpanaw ng kanilang kasamahan na nagsilbi nilang tanglaw at inspirasyon sa patuloy na pakikibaka ng mga mahihirap na masang api at mga migrante sa paglaban nila para sa pagkakaroon ng isang lipunang malaya mula sa pananamantala ng mga naghaharing uri.

--Ads--

Aniya na nabalitaan nila ang pagpanaw ng nasabing opisyal habang sila ay naghahanda para sa pagsulong ng ikalawang pambansang Kongreso ng Migranteng Pilipinas, at hindi sila aniya makapagsalita patungkol sa nangyari.

Dagdag pa niya na bagamat batid nilang may edad na rin ang namayapang lider ng CPP ay matalas pa rin umano ang kaisipan at kakayahan nito sa pagsusuri, pakikitungo, at gayon na rin ang patuloy na pagbibigay inspirasyon sa mga indibidwal at grupo na naglalayong makalaya sa kamay na bakal at mga nananamantala sa mga karapatang pantao.

Kaugnay nito ay sinabi rin ni Hernando na wala silang kamalayan patungkol naman sa dinaranas nitong sakit at hindi rin umano nila nakitaan ito ng anumang senyales ng kanyang karamdaman sapagkat aktibo ito sa pangangamusta at pakikisalamuha sa mg aktibista at gayon na rin sa pagsali sa mga pagkilos at mga aktibidad na may kaugnayan sa paglalantad ng mg bulok na sistema ng gobyerno at gayon na rin sa pagsulong sa mga karapatan ng mga Pilipino.

Maliban dito aniya ay nagpaabot din umano ito ng pagbati sa mga progresibong lider sa hanay ng mga migrante at piniling iwaksi ang isang concord ng isang buhay na naglilingkod sa mga nang-aapi at pinili ang buhay ng pagiging aktibista na palaging dinadahas, tinatakot, at ginigipit.