Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) sa Umingan ang maayos at mapayapa nilang paglulunsad ng nationwide gun ban noong nakaraang araw.

Ayon kay Jinky Tabag, Election Officer ng Comelec Umingan, walang naging problema sa pagpapatupad nito, sa tulong ng kapulisan at ng ilang tauhan ng militar.

Bukod sa gun ban, patuloy din ang kanilang roadshow para sa Automated Counting Machine (ACM) at voters education sa bawat barangay.

--Ads--

Naabot na nila ang 46 sa 58 barangay simula noong Disyembre 2, 2024, at inaasahang matatapos ang pagbisita sa lahat ng barangay sa Enero 21, 2025.

Kaugnay nito na ang natitirang 10 araw ay ilalaan sa mga senior citizens, PPCRV, iba pang stakeholders, at mga kandidato.

Sa mga information drive, binibigyang-diin nila ang tamang pagboto: tamang pag-shade at paghawak ng balota para matiyak na mababasa ito ng makina.

Pinaaalalahanan din nila ang mga botante na huwag iiwanan ang makina hangga’t hindi pa nakikita sa screen ang larawan ng kanilang balota.

Inaasahang may 56,451 na rehistradong botante sa Umingan para sa National at Local Elections 2025.