BOMBO NEWS ANALYSIS– Naging mainit na usapin ngayon ang paglubog ng tatlong cargo ship na MT Terra Nova, MT Jason Bradley at MV Mirola 1 sa baybaying bahagi ng Manila Bay, malapit sa Bataan na dahilan ng oil spill na maaaring magdulot ng polusyon sa karagatan.
Mayaman sa lamang-dagat kaya naman ang Manila Bay ay napaka-importanteng bahagi ng bansa.
Dito rin ang pinagmumulan ng ikinabinuhay ng libong pamilya at nagsisilbing daluyan ng kalakal na pumapasok at lumalabas ng Metro Manila.
Pero dahil sa nangyaring oil spill, libo libong mangingisda na nakatira sa paligid ng Manila Bay, partikular sa Cavite, ang nawalan ng kabuhayan dahil sa epekto nang malawakang pagtagas ng langis mula sa tatlong barko.
Dapat imbestigahan ang sabay-sabay na paglubog ng tatlong cargo ship at kung mapatunayang may kapabayaan sampahan ng kaso ang mga may-ari ng mga nasabing barko.
Kulang pa yan dahil dapat magsagawa rin ng sariling pagsilip ang Senado at Kongreso para maiwasan ang pinapangambahang cover-up sa totoong nangyari sa nasabing sakuna.
Baka dito pa ay magiging daan para malaman ang iba pang isyu rito na kinasasangkutan ng nasabing mga cargo ship gaya ng oil smuggling.
Mahalagang matutukan ito lalo pat apektado rito ang pangkabuhayan ng mga libo libong mangingisda natin.