Patuloy na suliranin para sa mga residente at biyahero ang paglubog na bahagi ng kalsada sa Poblacion, Bauko, Mountain Province dahil sa malambot na lupa.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Ela Mae Membrere, isang local news correspondent sa Bauko, Mountain Province, sinabi niyang nahirapan ang mga umuuwi dahil one-way traffic lamang ang pinapayagan sa lugar at hindi rin makadaan ang mga bus.
Dahil dito, kinailangan umanong maglakad ng mga pasahero upang makatawid sa apektadong bahagi ng kalsada bago sila makasakay muli sa mga naghihintay na sasakyan sa kabilang panig.
Ayon pa sa kanya, patuloy pa rin ang pagguho ng lupa kahit hindi umuulan.
Dagdag niya, pinondohan na ito ng gobyerno ngunit hanggang ngayon ay nananatiling suliranin pa rin ito para sa mga biyahero, lalo na ngayong panahon ng tag-ulan. / Via Bombo Radyo Baguio