Naniniwala ang Teacher’s Dignity Coalition (TDC) na ang kakulangan ng suporta at pondo para sa sektor ng edukasyon ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng bilang ng functionally illiterate na Pilipino, na umabot na sa higit 24.8 milyon sa nakalipas na tatlong dekada.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Benjo Basas, Chairperson ng nasabing grupo malinaw na bunga ito ng kakulangan sa investment sa edukasyon, kabilang ang mga problema sa kakulangan ng aklat, pasilidad, silid-aralan, at sapat na sahod ng mga guro.

Iginiit niyang hindi maaaring tugunan ng Department of Education (DepEd) lamang ang suliranin, dahil nakasalalay din ito sa prioritization ng Kongreso at Ehekutibo pagdating sa pambansang budget.

--Ads--

Saad pa ni Basas, nakababahala na mas mataas pa ang pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaysa sa DepEd sa panukalang pambansang budget para sa 2025, na taliwas sa probisyon ng Konstitusyon na dapat bigyang prayoridad ang edukasyon.

Binigyang-diin din ang pangangailangan ng Teacher Protection Policy, upang maprotektahan ang mga guro laban sa mga kaso at paratang mula sa mga magulang o mag-aaral na nagreresulta sa takot at pag-iwas ng mga guro sa pagdidisiplina.

Dagdag pa ni Basas, dapat ding itaas ang sahod ng mga guro ng P15,000 across the board, bilang pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon.

Aniya, hindi dapat maiwan ang mga guro sa anumang repormang pang-edukasyon, bagkus dapat silang mauna dahil sila ang haligi ng sistema ng edukasyon.