Hindi na ikinagulat ni Prof. Roland Simbulan, chairperson ng Center for People Empowerment in Governance, ang paglitaw ng iba pang kaduda-dudang pangalan bukod kay Mary Grace Piattos kaugnay ng isyu sa confidential funds.
Ayon kay Simbulan, sa panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan, batay sa mga testimonya ni Office of the Vice President Special Disbursing Officer Gina Acosta sa ika-17 araw ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, tila matagal nang umiiral ang ganitong kalakaran.
Sinabi ni Simbulan na noong alkalde pa si Duterte ng Davao City at pangulo naman ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, lumilitaw umano na umaabot sa P460 milyon kada taon ang confidential funds na inilaan sa lungsod.
Dahil dito, sinabi ni Simbulan na hindi na siya nagulat sa umano’y maluwag na paglalabas ng confidential at intelligence funds, na aniya ay tila hindi agad napupuna sa pagsusuri ng Commission on Audit o COA, lalo na noong panahon na pangulo ang kanyang ama.
Binanggit din niya ang umano’y malaking pondong inilaan para sa flood control projects sa Davao City, ngunit nakararanas pa rin umano ng pagbaha ang ilang lugar.
Gayunman, sinabi ni Simbulan na higit siyang nabigla sa laki ng halagang sangkot dahil nagmumula ito sa pera ng mga taxpayer na dapat sana ay ginagamit at naibabalik sa publiko sa pamamagitan ng mga serbisyo ng pamahalaan.
Aniya, nakapagtataka kung paano nailalabas ang malaking halaga ng pondo at naipapasa sa isang indibidwal na, ayon sa kanyang pagsusuri, ay walang opisyal na awtoridad na mag-disburse ng naturang pondo.
Dagdag ni Simbulan, bilang Special Disbursing Officer, dapat ay alam ni Acosta ang kanyang mga tungkulin at pananagutan sa paghawak at paglalabas ng pera ng gobyerno.
Paliwanag niya, ang isang opisyal na humahawak ng malaking halaga ng pampublikong pondo ay kailangang may kaukulang bonding o accountability alinsunod sa mga patakaran ng pamahalaan.
Giit ni Simbulan, hindi maaaring basta ipasa sa ibang tao ang tungkulin ng isang Special Disbursing Officer, kahit pa ito ay iutos ng head ng isang government office, kung taliwas ito sa mga umiiral na batas at regulasyon.
Aniya, bilang accountable officer, may pananagutan si Acosta sa pondong kanyang hinawakan at hindi maaaring basta ipasa sa iba ang naturang responsibilidad.
Nanawagan din si Simbulan na ipatawag sa impeachment trial si Col. Raymund Lachica upang malinawan ang kanyang naging papel sa isyu, lalo na matapos lumitaw ang mga pangalang pinagdududahang fictitious.
Samantala, naniniwala si Simbulan na maaari pang mapabilis ang takbo ng impeachment trial kung magkakaroon ng sapat na kooperasyon at koordinasyon sa pagitan ng defense at prosecution teams.
Sa kanyang obserbasyon, mabilis namang nakapagbibigay ng ruling ang presiding officer na si Senate President Chiz Escudero kapag nagkakaroon ng pagtatalo ang dalawang panig hinggil sa mga usaping procedural at deliberasyon.
Nanawagan naman si Simbulan sa publiko na patuloy na bantayan ang impeachment trial upang matiyak ang pananagutan ng mga nasa likod ng umano’y maling paggamit at pamamahala ng pampublikong pondo.
Babala niya, kung pababayaan ang mga ganitong usapin, maaaring lumawak pa ang problema ng korapsyon sa bansa.










