DAGUPAN CITY- Isa umanong panibagong Pork Barrel Scam ng Administrasyong Marcos ang paglipat sa P89.9-billion unused funds ng PhilHealth patungong unprogrammed funds.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Robert Mendoza, National President ng Alliance of Health Workers, nakakabahala ang iligal na paglipat ng kalihim ng finance sa naturang pondo dahil tanging presidente lang ang may karapatang gawin ito.

Kaya aniya, naging panawagan nila sa kanilang isinagawang kilos-protesta sa harap ng Philippine General Hospital ang nasabing isyu sapagkat maliban sa iligal ito ay imoral din.

--Ads--

Kabilang pa rin aniya ito sa General Appropriation Act (GAA) kaya mas makatutulong sa mga mahihirap kung ilaan ang P89.9-billion unused funds sa libreng serbisyong pangmedikal.

May mga naghahain naman ng Temporary Restraining Order (TRO) sa korte suprema upang maibalik sa PhilHealth ang naturang pondo at gamitin ito sa kulang-kulang na budget para sa programang pangmedikal at sa benepisyo ng mga health workers.

Kaniyang sinusuportahan ito dahil sa darating na 2025 ay magkakaroon ng panibagong budget cut para sa sektor ng kalusugan at maaaring kukulangin ang mga pampublikong ospital sa mga kinakailangang kagamitan.

Maliban riyan. nasa 64% pa lamang ay nakakatanggap ng Health Emergency Allowance (HEA) at hanggang sa ngayon ay wala pa silang update ukol dito.

Nagpapatuloy pa ang pagkakaroon ng mababang sahod ng mga health workers at understaffing at dahil dito hindi na nakakabigla kung piliin na lamang ng mga ito na mangibang bansa.