DAGUPAN CITY- Buong nagtitiwala ang Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) sa naging desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paglipat kay dating Transportation Sec. Vince Dizon sa pagiging bagong kalihim ng Department of Public Works and High Ways (DPWH).

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay ACTO President Liberty De Luna, nakitaan nila ng pagiging magaling na lider si Dizon kaya naniniwala rin silang nakita ng pangulo na magagampanan nito ang trabaho sa DPWH.

Aniya, sa maikling panahon ni Dizon sa pagiging kalihim ng DOTr ay napabilis nito ang naging takbo sa nagpapahirap na pagproseso ng consolidation dahil sa pakikinig nito sa kanilang sektor.

--Ads--

Hiling lamang nila na magpatuloy ang ganitong uri ng pamamalakad sa ilalim ni DOTr Acting Sec. Atty. Giovani Lopez.

Nagtitiwala naman sila sa naging desisyon ng pangulo at naniniwalang may puso rin ito sa hanay ng transportasyon.

Sa kabilang dako, labis na nagpapasalamat si De Luna kay Pangulong Marcos Jr., Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian, at DSWD ASec. Irene Dumlao dahil sa mga natanggap na tulong sa kanilang sektor, partikular na sa kabilang na sila sa benepisyaryo ng P20 kada kilo ng bigas.

Aniya, ginhawa na rin ang hatid nito sa kanila dahil sa tumataas na presyo ng bigas sa merkado.

Makakabawas na ito sa kanilang mga gastusin na sumasabay din sa oil price hikes.

Hiling na lamang nila na magtuloy-tuloy ang ganitong programa at maabutan ang mga nasa mabababang sektor.