DAGUPAN CITY- Ikinabahala ng Animal Kingdom Foundation ang patuloy na pag-iwan sa mga alagang hayop sa tuwing may kalamidad kahit pa man na patuloy din ang kanilang pagpapaalala.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Heidi Marquez Caguioa, Program Director ng naturang grupo, marami pa rin ang kanilang naitatalang mga kaso na iniiwang nakakulong o nakatali ang mga alagang hayop, partikular na ang mga aso, kahit pa man rumaragasa na ang baha.
Aniya, may iba naman na ‘stray animals’ ang nababalewala at hindi na nabibigyan ng lugar na masisilungan sa tuwing ganitong panahon.
Isa umano sa ikinababahala nilang kaso ay ang kamakailang pagbagsak ng malaking bato sa isang bahay at isang pulang kotse sa Kennon Road, Benguet.
Ikinasawi ito ng isang aso na nakatali sa kulungan nang dinaanan ito ng naturang bato.
Gayunpaman, sa likod ng pagkabahalang ito ay nagkakaroon naman ng effort ang mga komunidad at ang Local Government Units na mailigtas din ang mga hayop.
Patuloy din ang kanilang monitoring sa mga nangangailangan ng tulong at kabilang sa kanilang ipinapamahagi ay ang mga dog at cat foods at medical assistance.
Samantala, patuloy pinapaalala ng Animal Kingdom Foundation na palagiang ikonsidera ang kaligtasan ng mga alagang hayop, kabilang na ang mga livestock animals.
Kung nakatali man o nakakulong ay pakawalan ang mga ito upang may pagkakataon ang mga ito na isalba ang kanilang sarili.