Dagupan City – Patuloy na tinututukan ng Department of Public Works and Highways Region 1 ang paglalagay ng mga Solar Studs Light sa ilang kakalsadahan sa buong Rehiyon.

Ayon kay Engr. David Magno ng DPWH Pangasinan III District Engineering Office, mas improve ito na makakatulong sa mga motorista sa kalsada kumpara sa traditional pavement markings na kulay puti dahil malayo pa lamang ay litaw na litaw na sa kalsada.

Aniya na ang Solar Studs light ay tinatawag ding internally illuminated solar studs’ lights na kinakailangan ng energy ng sikat ng araw na hindi na nilalagyan ng baterya.

--Ads--

Dagdag nito na hindi aniya ito nagsasanhi ng aksidente sa mga motorista dahil ang design nito ay flash type na nangangahulugang kapantay nito ang kalsada hindi tulad ng catch eye lights na nakabukol sa kalsada na nagiging sanhi ng ilang aksidente.

Binigyan diin nito na ang kanilang nilalagyan ng ganitong proyekto ay sa may madidilim na area sa National Roads na wala pang solar lights kung saan sa Pangasinan ay halos nalagyan na ang mga daanan na parte ng Manila North Road gaya sa lungsod ng Urdaneta, Binalonan at Pozorrubio at ang pinakamarami ay sa Bayan ng Sta. Barbara at iba pang parte ng Pangasinan mula eastern hanggang western.

Samantala, ayon kay Engr. Recy Joy P. Bello ng DPWH Regional Office 1 na nagpapatuloy na ang mga ganitong proyekto sa ilang bayan at lungsod sa Rehiyon.

Aniya na epektibo ito para mabawasan ang mga aksidente sa kalsada na maaring mangyari dito.

Dahil dito, patuloy nilang binibigyan ng prayoridad ang ganitong proyekto para sa road safety ng mga motorista lalo na tuwing gabi. (Oliver Dacumos)