BOMBO DAGUPAN – Isang mahalagang bagay ang kautusan ni Pangulong Marcos na pagprayoridad ng Philippine History sa kagawaran ng Edukasyon kaya’t mainam na magkaroon ng teacher training upang mapadali at maituro ng simple ang mga komplikadong aralin tungkol sa kasaysayan.
Ayon kay Prof. Michael Charleston “Xiao” Chua, Historian na mahalaga na matutunan ang kasaysayan para magkaroon ng pagmamahal sa bayan at pagkilala sa sarili.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan aniya na sa pagtuturo sa kasaysayan ng bansa ay mainam na ito dapat ay may saysay ibig sabihin hindi lamang dapat memoryado ng mga estudyante ang mga petsa at datos kundi maging ang halaga at importansya nito.
Dapat aniya na ituring ito hindi bilang isang suplemento o minor subject lamang dahil ang aralin na ito ay siyang nagbibigay ng dangal at pag-ibig sa bayan.
Dagdag pa niya na hindi pwedeng mahalin ang isang bagay kung hindi mo ito kilala at hindi mo rin pwedeng mahalin ang bayan kung hindi mo alam ang kasaysayan.
Pagbabahagi nito na maliban sa kahalagahan ng kasaysayan ay maaari rin itong makapag-isa sa atin.