BOMBO DAGUPAN- Magulong panahon ang pangunahing problema ng mga magsasaka pagdating sa pag-aalaga ng mga manok.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Raymund De Asis, Executive Vice President ng United Broiler Raisers Associations (UBRA), nakakaapekto sa paglaki ng mga manok ang pabago-bagong panahon.

Mahirap kase sa isang manok na maka-adopt sa isang temperatura na may malaking agwat sa loob ng isang araw.

--Ads--

Ngayon tag-ulan, inaasahan pa din ni De Asis ang pagbawi sa produksyon ng manok. Kinakailangan lamang ay maging ‘stable’ ang panahon at hindi ito pabago-bago.

Gayunpaman, isang malaking pagsubok para sa mga Broiler Raisers ang tinatawag na Third Quarter Syndrome, kung saan maliban sa pabago-bagong panahon, nagkakaroon din ng problema sa mga materyales sa patuka.

Ani De Asis, nakakaapekto sa paglaki ng mga manok ang kalidad na pinapakain sa mga ito.

Maliban kase sa hindi ito lumalaki nang tama, nagkakaroon pa ito ng sakit.

Nitong nakaraang linggo lamang aniya naramdaman ang epekto nito sa mga magsasaka dahil maliban sa panahon, nagkapatong-patong din ang mga bilihin sa pagharvest kaya napapaaga ang pagbenta ng mga manok kahit maliit pa lamang ang mga ito.

Gayunpaman, nararapat lamang ang pagtaas ng presyo nito sa merkado upang makabawi din sa pag-abono ng mga gastusin sa pag-aalaga ng manok.

Subalit, hindi aniya aabot ang presyo nito sa merkado ng P250. Maaari lamang itong maglaro sa presyong P210-P230.

Sa kabilang dako, binabawi din ngayon ng mga egg producers ang pagtaas ng presyo nito.

Nagiging demand aniya ito sa kasalukuyan dahil sa pagbabawas nila ng mga alagang manok at sa naging abono nila.

Kaugnay nito, marami ang tumigil sa pag-aaaga ng itlog kaya nabawasan din ang suplay nito.