DAGUPAN CITY — Dahil sa nararanasang labis na malamig na panahon, hindi lamang ang mga mamamayan ng lalawigan ng Pangasinan ang apektado subalit gayon na rin ang mga alagaing bangus sa mga palaisdaan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Westly Rosario, Former Center Chief ng National Integrated Fisheries Technology Development Center ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Pangasinan, sinabi nito na ang mga isda sa bansa ay tropical species o mga warm-water species.
Aniya na ang problema sa mga ito ay hindi sila makakain kung malamig ang panahon kung saan kapag bumababa ang temperatura sa 30°C o mas mababa pa ay tamilmil silang kumain na labis namang nakakaapekto sa kanilang paglaki.
Saad pa nito na hindi na sila umaasa na magiging maganda ang paglaki ng mga bangus tuwing tag-lamig kumpara kung mainit ang panahon. Kabaliktaran naman ito aniya sa ibang mga bansa na kadalasan ay may cold-water species na mga isda, kaya pag mainit ang panahon dito naman sila nagkakaroon ng problema gaya na lamang ng pagkakaroon ng sakit ng kanilang mga alaga.
Dagdag pa nito na pagdating naman sa anihan kung saan idinadaing ng mga may pangisdaan na maliliit lamang at kakaunti ang timbang ng kanilang mga naaani, sinabi ni Dr. Rosario na hahaba lamang ang panahon ng kanilang pag-aalaga sa mga ito.
Paglilinaw nito na hindi naman madodoble ang kanilang gastusin sa pagkain ng kanilang mga lagang bangus dahil mayroong oras kung saan mas mainit ang temperatura ng tubig kung kailan sila maaaring magpakain sa mga ito.
Gayunpaman, sinabi nito na tuwing sumasapit naman ang buwan ng Marso ay tumataas ang temperatura at umiinit ang panahon na siya namang simula ng pangingitlog ng mga isda, lalo na ang bangus.